Patay ang isang babaeng tatlong-taong-gulang matapos siyang masagasaan ng isang sports utility vehicle (SUV) sa Paranaque City na minamaneho ng 68-anyos na driver.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa "24 Oras Weekend," sinabing kasama rin ng isa pang paslit ang biktima na lumabas ng bahay para hanapin ang kaniyang kuya na inatasan ng ama ng magbantay sa kaniya.
Habang naglalakad, dumating ang SUV na lumiko pakaliwa at doon na nagulungan ang biktima, at nasugatan din ang kasama niya.
Nagtuloy-tuloy pa sa pagtakbo ang SUV dahil hindi raw alam ng driver nito na mayroon siyang nasagasaan.
"Sabi ko, 'boss may nasagasaan kang bata, akin na yung susi mo.' Eh ayaw ibigay. Hindi ko nakita na may bata, 'yun ang sabi niya," sabi ng saksing si John Bert Lopez.
Giit pa niya, "Pero imposible na hindi niya nakita 'yun, kasi andito pa lang sa humps dapat nakita niya 'yon."
Ayon sa ama ng biktima na si Raymond Sampang, isang construction worker, pumasok siya sa trabaho at naiwan ang biktima sa mga kapatid nito na edad 11 at 12.
"Kung alam ko lang na mangyayari yun, hindi na sana ako nagtrabaho ng araw na 'yun," hinanakit niya.
Napag-alaman naman na kadarating lang sa bansa ng ina ng biktima na isang overseas Filipino worker.
Hindi pa niya nakikita ang anak dahil naka-quarantine pa siya.
Sinabi naman ni Sampang na hindi umano nagbigay ng tulong sa kanila ang driver.
Hindi pinayagan ng pulisya na makapanayam ang driver na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide and injury.—FRJ, GMA News