Inihayag ng dating adviser ng National Task Force Against COVID-19 na napupuno na ang COVID-19 ward ng Philippine General Hospital (PGH).
Sa public briefing nitong Lunes, sinabi ni Dr. Ted Herbosa, dating NTF adviser at kasalukuyang professor of emergency medicine and trauma surgery sa UP-PGH, na ang nasa lima hanggang anim katao ang nagpopositibo sa COVID-19 test sa ospital araw-araw.
Samantalang umaabot naman sa 80 hanggang 90 bawat araw ang emergency patient.
“Napupuno din ‘yung aming COVID ward kasi kinontian na lang namin ‘yung aming COVID ward nu'ng bumaba ang mga kaso. Pero umpisa nang napupuno ito. So initially, may mga isa o dalawang naiiwan,” ayon kay Herbosa.
Gayunman, sinabi ni Herbosa na karamihan sa COVID-19 cases ay hindi malubha ang kalagayan, lalo na ang mga may bakuna na pangontra sa virus.
“Pero 'yung mga cases natin, hindi na masyadong serious, lalo na ‘yung mga nabakunahan. 'Pag sila ay vaccinated, talagang malaki ang effect na mild lang ang kaso nila at nakakauwi agad sila from the hospital,” paliwanag niya.
Pinayuhan ni Herbosa ang publiko na magsuot pa rin ng face masks at magpa-booster shots laban sa COVID-19.
“Marami kasi nakakita na parang hindi na serious ‘yung Omicron, ayaw na magpa-third dose or magpa-booster dose. Recommended pa rin namin na sana magpa-booster ‘yung hindi pa nagpapa booster, lalo na ‘yung 50 years old and above,” dagdag niya.
Nitong Linggo, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 2,321 na mga bagong kaso ng COVID-19 cases. Nasa 24,067 ang active cases, mas mataas sa 23,571 noong Sabado.—FRJ, GMA News