Kasunod ng pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na panahon na para sa dagdag-singil sa pasahe sa mga jeepney, umaasa rin ang mga taxi operator na pagbibigyan ang hiling nilang dagdag na P20 sa flag-down rate.

Sa panayam ng GMA News' "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabi ni Atty. Jesus Manuel Suntay, presidente ng Philippine National Taxi Operators Association, na hinihintay pa rin nila ang pasya ng LTFRB sa kanilang hiling na dagdag sa flag-down rate.

“Waiting tayo sa decision ng LTFRB and we're very hopeful [dahil] resonable naman yung hinihingi ng taxi industry, yung karagdagang P20 sa flag-down rate,” ayon kay  Suntay.

Kung maaprubahan, magiging P60 na ang flag-down rate sa mga taxi.

Sinabi ni Suntay na kailangan na ang dagdag na singil sa flag-down rate dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Nakaapekto rin umano sa kanila ang limitadong operasyon at kakaunting pasahero dahil sa COVID-19 pandemic.

Inaasahan umano nila na tataas pa ang presyo ng krudo dahil magsisimula na ang “ber ” months.

Ayon pa kay Suntay, pitong taon na ang nakararaan nang huling humiling ng fare hike ang mga taxi operator.

Nagsumite ng petisyon sa LTFRB ang mga taxi operator para sa dagdag na singil sa flag-down rate noong Hunyo. —FRJ, GMA News