Hindi binigo ng Gilas Pilipinas ang mga Pinoy na nanood sa kanilang laban kontra sa koponan ng Saudi Arabia para sa fourth window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers na ginanap sa Mall of Asia Arena nitong Lunes.
Sa pangunguna ni Jordan Clarkson, pinataob ng Gilas Pilipinas ang tropa ng Saudi Arabia sa iskor na 84-46.
Kumolekta si Clarkson ng kabuuang 23 puntos, 17 nito sa first half lang. Kumamada rin ang Fil-Am NBA star ng limang five rebound at anim na assist.
Nag-ambag naman ang Pinoy tower na si Kai Sotto ng 16 puntos at 13 rebound, at apat na supalpal.
Naramdaman ng team Pilipinas ang tiyempo ng laban sa second quarter makaraang magtapos ang first half, 37-28.
Sigurado na ang Gilas sa isang spot sa World Cup bilang isa sa host ng torneo.
Muling makikita sa aksyon ang Gilas sa susunod na window na gagawin sa Nobyembre.
Kabilang naman sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, at mga senador na si Sonny Angara, Joel Villanueva at JV Ejercito, sa ilang opisyal na nanood ng laban.—FRJ, GMA News