Hindi nagpadaig at nananatiling positibo ang isang dalaga matapos siyang makipaglaban sa isang uri ng bone cancer sa edad na 13 at maputulan ng kaliwang binti.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Darlene Cay, sinabing musmos pa si Elijah Ombon nang matuklasan niya noong 2016 na meron siyang osteosarcoma o cancer sa buto.

Ayon kay Elijah, tila ninakawan siya ng pagkabata dahil sa kaniyang sakit.

"'Yung hindi ako nakapag-aral tapos 'yung mga batch ko nakapag-graduate na, tapos ako hindi. 'Yung feeling na mukmok ka lang sa bahay," anang dalaga.

"Siyempre napakahirap. Hindi ko naman po kasi in-expect 'yung pangyayari sa akin. Pero alam ko naman po na may purpose ang lahat ng ito," sabi ni Elijah.

Ang tatay ni Elijah na si Eliseo ang nagsilbing "saklay" ng dalaga sa pakikipaglaban niya sa sakit.

"Bilang isang ama, masakit. Marami sa paligid ang nagsabi na mahirap 'yan na sakit. Pero sabi ko sa sarili ko tsaka kay Eli (Elijah), 'Laban lang Eli, dahil may Panginoon naman tayo,'" sabi ni Eliseo.

Paliwanag ni Dra. Mary Igot, ang osteosarcoma ay isang uri ng bone cancer kung saan kadalasang naapektuhan ang mga pediatric age group at kadalasang naapektuhan ang mga mahahabang buto na nasa hita o tuhod.

Ayon pa kay Dra. Igot, nasa 60% ang survival rate ng isang tao kapag natuklasang na nasa stage 1 at stage 2 pa ang cancer, at magagamot sa pamamagitan ng chemotherapy o radiation therapy at limbs pairing surgery.

Ngunit kung malaki na ang cancer o kinakain na ang buto at hindi na mailigtas, dito na isasagawa ang amputation.

Sa tulong ng kaniyang pamilya, pinagdaanan ni Elijah ang anim na taong gamutan kung saan sumailalim siya sa anim na session ng chemotherapy.

Hanggang sa sabihin ng mga doktor na "cancer-free" na si Elijah.

"Siyempre po masaya. Kahit kung may paa lang ako, tatalon talaga ako 'pag cancer free ka na," anang dalaga.

Senior high school graduate with honors na ngayon si Elijah, at nagsisilbi sa music ministry ng simbahan.

Nakatakda nang tumuntong sa kolehiyo si Elijah sa Bachelor o Science in Business Administration Major in Financial Management. Pangarap din ni Elijah na maging isang maging model. —LBG, GMA News