Pinigil ng Korte Suprema ang pag-upo ni Romeo Jalosjos Jr. bilang kongresista ng unang distrito ng Zamboanga del Norte. Lumabas ang pasya isang linggo matapos na iproklama si Jalosjos ng Commission on Elections (Comelec) na "tunay" na nanalo sa nakaraang halalan.

Ang apat na pahinang "status quo ante order" ng SC ay kaugnay sa petisyon ng kalaban ni Jalosjos na si Roberto “Pinpin” Uy, na ibasura ang pasya ng Comelec na ibigay kay Jalosjos ang mga boto ni Frederico Jalosjos, na naunang idineklarang "nuisance candidate."

Si Uy ang unang idineklarang nanalo matapos makakuha ng pinakamaraming boto (69,591), kontra sa pumangalawang si Jalosjos Jr. (69,109). Gayunman, hindi ipronoklama ng local election board si Uy.

Iginiit kasi ng kampo ni Jalosjos Jr. na siya ang dapat manalo dahil nauna nang idineklarang ng Comelec na "nuisance candidate" ang kaapelido niyang si Federico na nakakuha ng 5,424 boto.

Sa panibagong pasya ng Comelec nitong June 23, iniutos na idagdag ang boto ni Federico kay Jalosjos Jr., kaya naging 74,533 ang boto ng huli, at idineklarang panalo.

Dahilan ito para dumulog sa SC ang kampo ni Uy.

Inatasan ng SC ang lahat ng partido ng "status quo"  bago ang kautusan ng Comelec.

“Court resolved without giving due course to the petitions to Issue a Status Quo Ante Order requiring parties to observe the Status Quo prevailing before the issuance of the order dated May 12, 2022 and resolution dated June 7, 2022 of respondent Commission on Elections (Comelec),” saad sa resolusyon.

Pinagkokomento rin ang Comelec at si Jalosjos Jr. tungkol "within a non-extendible period of 10 days."--FRJ, GMA News