Pinatawan ng Korte Suprema ng parusang pagkakasuspendeng 30 araw na walang sahod ang isang hukom ng Manila Metropolitan Trial Court dahil sa "homophobic slurs" na ginawa niya laban sa mga taong hawak niya ang kaso.

Sa 18-pahinang desisyon, napatunayan ng mga mahistrado na guilty si Presiding Judge Jorge Emmanuel Lorredo ng "work-related sexual harassment."

Hinayaan din umano ng hukom na makaapekto sa kaniyang trabaho ang kaniyang paniniwala sa relihiyon.

“He is further sternly warned that a repetition of the same or similar acts in the future shall be dealt with more severely,” babala ng SC.

Pinagmulta rin ng SC si Lorredo ng P40,000 para sa "simple misconduct" at P10,000 para sa "conduct unbecoming of a judge," bilang ikalawa niyang atraso.

Taong 2019 nang maghain ng civil case sina Marcelino Espejon at Erickson Cabonita laban kay Lorredo. Inakusahan nila ang hukom na hinusgahan na kaagad sila at nagpakita ng pagiging hindi patas dahil sa kanilang sexual orientation.

Sinabi rin ng mga nagreklamo na naging malaking impluwensiya kay Lorredo sa pagdinig sa kanilang kaso ang relihiyon ng hukom tungkol sa homosexuality.

“The Court wholly agrees with the findings of the JlB that these remarks were inappropriate. The records will bear out how Judge Lorredo badgered complainants with his questions about their sexual orientation,” ayon sa desisyon ng SC.

Sa preliminary conference, ilang ulit umanong tinanong ni Lorredo ang mga nagrereklamo tungkol sa kanilang sexuality. Binanggit din ng hukom ang relasyon na ipinagbabawal sa bibliya.

Sa kaniyang komento, inihayag ng hukom na nais niyang magbigay ng babala sa mga nagreklamo tungkol umano'y hindi pagsang-ayon ng Diyos sa mga homosexual.

Ayon sa SC, nilabag ni Lorredo ang Sections I at 6 ng Canon 4 ng New Code of Judicial Conduct on Propriety, pati na ang Sections 1, 2, at 3 ng Canon 5 ng New Code of Judicial Conduct on Equality.

“The statements Judge Lorredo made during the preliminary conference, and especially in the Comment he filed in this case, are clearly tantamount to homophobic slurs which have no place in our courts of law,” ayon sa SC.

“Thus, it should come as a matter of course for all judges to desist from any word or conduct that would show or suggest anything other than inclusivity for members of the LGBTQIA+ community,” dagdag pa sa desisyon.

Sinita rin ng SC ang salitang ginamit ni Lorredo sa korte na labag din sa Sections 1 at 2 ng Canon 2 ng New Code of Judicial Conduct.

Naniniwala ang SC na “really partial” sa kaso ang hukom.

“Apart from badgering complainants during the course of the preliminary conference, there is insufficient evidence showing that Judge Lorredo unduly favored the other parties,” ayon sa SC.

Iginiit ng Kataas-taasang Hukuman na hindi nila kukunsintihin ang anumang uri ng diskriminasyon.

“Any form of discrimination by reason of gender or sexual orientation made by a judge and directed against any person with business before the court shall never be tolerated and must be strongly rebuked,” ayon sa SC.—FRJ, GMA News