Inihayag ni senator-elect Robin Padilla na nais niyang pamunuan ang Senate committee on constitutional amendments kaugnay ng hangarin niyang amyendahan ang Saligang Batas.
“Aba siyempre reporma, constitutional reform number one yun. Pangalawa, sa security and defense ng Pilipinas… chairmanship kasi kung member ka lang sayang naman pagka-number one natin,” sabi ni Padilla sa ulat ni Maki Pulido sa GMA “24 Oras” nitong Huwebes.
Titigil daw muna si Padilla sa paggawa ng pelikula para tutukan ang kaniyang trabaho bilang mambabatas sa Mataas na Kapulungan.
Bukod kay Padilla, nais din ng nagbabalik-senador na si JV Ejercito na pamunuan ang defense committee.
Ipinaliwanag din ni Ejercito na kung susundin ang “equity of the incumbent,” sinabi niya na dapat mananatili si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go bilang chairman ng committee on health.
“’Yung talks with the individual senators, that we cannot deny. Siyempre, may mga offer din po sila sa amin pero wala pa kaming desisyon kasi July 25 pa naman ‘yun opening ng session,” ayon kay Ejercito.
Sa labanan ng senate presidency, sinabi ni Ejercito na sina Sens Cynthia Villar at Juan Miguel Zubiri ang nangungunang magkalaban.
Bahagi sina Zubiri at Ejercito sa tinatawag na "seatmates bloc" sa Senado.
Miyembro rin nito sina Sens Sherwin Gatchalian, Joel Villanueva, Sonny Angara, Nancy Binay, Grace Poe, at ang mga nagbabalik-senador din na si Loren Legarda.
Kinumpirma naman ni Zubiri na itinutulak siya ng grupo na tumakbong pinuno ng Senado.
“I think we have a substantial number but not yet more than 13. But of course, if we combine the three groups together we’ll have a supermajority,” aniya.
Susunod naman daw si Villanueva sa magiging pasya ng kaniyang grupo.
“I’m a member of the Seatmates Group so kung ano man ang mapag-usapan doon sa grupo na 'yon, I will submit to the wisdom of our group,” saad niya.
Samantala, sinabi ni lone opposition Senator Risa Hontiveros na bukas siya na suportahan si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel kung magpasya ito na pamunuan ang minority bloc.
“If Sen. Koko is interested to lead it, I’m very open to supporting him. Basta ang number one priority ko ngayon ay ang pagbubuo ng minorya and bahagi ng pagbubuo ng minorya 'yung division of labor namin,” ani Hontiveros.
“Ang pinaka importante maging tunay kami, makapag check-and-balance at fiscalize at epektibo maging sa legislations,” patuloy niya.
Hindi pa nakapagpapasya ang balik-Senado rin na si Alan Peter Cayetano kung saan grupo sasama--kung sa mayorya o minorya.
“My inclination is to wait kung paano nila binubuo ang majority. Is it for starting ng mga committee? Is it sipsipan sa Malacanang? Is this 'this is the Senate, we need people who will stand either as a bridge or as a wall with Malacañang? A bridge if maganda ang ginagawa, a wall kung tatamaan ang tao. It depends on the character',” paliwanag niya.
Inihayag naman ng bagitong senador na si Raffy Tulfo na sumama sa majority group.
“Mas madali ko po maisusulong ang mga batas na gusto kong ipapanukala, ipapasa. Mas marami po akong magagawa,” ani Tulfo.— FRJ, GMA News