Inihayag ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes na 14 na kaso ng Omicron subvariant BA.2.12.1 ang nakita sa National Capital Region (NCR) at Palawan.
Sa media briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, dalawa sa kaso ang nasa NCR at 12 sa Puerto Princesa City, Palawan.
Ang 11 sa 12 kaso sa Palawan ay mga dayuhan.
Ang dalawang kaso sa NCR ay mayroon umanong booster shot at nakaranas ng mild symptoms.
Itinuring na silang "recovered" matapos makompleto ang araw ng home isolation.
Mayroon umanong 39 na asymptomatic close contacts ang dalawang kaso sa NCR na pawang asymptomatic.
“Inaalam natin ngayon ang kanilang vaccination status atsaka ang kanilang status sa kanilang quarantine,” ayon kay Vergeire.
Nitong Abril, isang dayuhang Finnish ang naging unang kaso ng Omicron BA.2.12 na nakita sa Baguio City.
“In totality, itong dalawang ito pareho silang more transmissible than the original Omicron variant atsaka pareho silang may possibility ng immune escape based from the experts or the studies that are coming out,” sabi ni Vergeire.
Idinagdag ni Vergeire na nakita ang dalawang subvariants sa United Kingdom, United States, at Canada. —FRJ, GMA News