Sinabi ni presidential frontrunner at dating senador na si Ferdinand Marcos Jr. na ang nangungunang vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte ang mauupong kalihim ng Department of Education (DepEd) sa kaniyang magiging administrasyon.
"I think I am already authorized to announce the first nominee that we will be giving to the Commission on Appointments when the time comes should I be proclaimed and that is that our incoming vice president has agreed to take the brief of Department of Education," sabi ni Marcos sa mga mamamahayag nitong Miyerkules.
Ayon kay Marcos, tinanong niya ang kaniyang running-mate kung nais pa niyang pamunuan ang DepEd kahit batid niyang mahirap ang naturang trabaho.
"Pero nag-agree naman siya," ani Marcos.
Inihayag din ni Marcos na isang ina si Duterte kaya batid niyang hangad ng magiging pangalawang pangulo na "well-trained and well-educated" ang mga anak.
Sa partial and unofficial tally ng Comelec hanggang 6:47 p.m. nitong Miyerkules, nasa 98% na ang election returns. Umabot sa 31,091,373 ang boto ni Marcos, kumpara sa 14,815,251 boto ng pumapangalawang si Vice President Leni Robredo.
Samantala, 31,547,470 naman ang boto ni Duterte, na malayo sa 9,227,642 boto ng sumusunod sa kaniyang si Senador Francis Pangilinan.—FRJ, GMA News