Hindi pa rin natitinag sa pangunguna sa Pulse Asia survey para sa labanan sa panguluhan at bise presidente sina dating senador Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., at running-mate niyang si Davao City Mayor  Sara Duterte.

Base sa naturang survey na ginawa noong February 18-23 at inilabas nitong Lunes, nagpahayag ang 60% sa mga tinanong na si Marcos ang iboboto nilang pangulo kung gagawin ang botohan na nasabing petsa.

Ito rin ang puntos na nakuha ni Marcos sa Pulse Asia survey na ginawa noong Enero 19-24.

Sumunod naman si Vice President Leni Robredo na may 15%, pangatlo si Manila Mayor Isko Moreno na 10%.

Nakakuha naman si Senator Manny Pacquiao ng 8%, at 2% si Senator Panfilo Lacson.

Ang iba pang presidential candidates na sina Faisal Mangondato, Leody de Guzman, Jose Montemayor, Jr., Ernesto Abella at Norberto Gonzales ay mayroong 0.4% o mas mababa pa.

Apat porsiyento naman sa mga tinanong ang wala pang napipiling iboboto.

Pinakamalaking puntos ni Marcos ay nagmula sa Mindanao na may 68% at 66% naman sa National Capital Region (NCR). Habang nakakuha siya ng 58% sa Balance Luzon at 53% sa Visayas.

Sara, una sa VP race

Sa labanan sa pagka-bise presidente, lumitaw sa Pulse Asia survey na nakakuha si Sara Duterte ng 53%, mas mataas ng tatlong puntos sa nakuha niya noong nakaraang buwan.

Sumunod naman sa kaniya si Senate President Vicente "Tito" Sotto III, na may 24%, na mas mababa sa 29% na nakuha niya noong Enero.

Pangatlo si Senator Francis "Kiko" Pangilinan (11%), kasunod sina Doc Willie Ong (6%), at Deputy Speaker Joselito Atienza (1%).

Nasa 0.1% naman ang nakuhang iskor ng iba pang vice presidential candidates.

Pinakamalaki sa suportang nakuha ni Mayor Sara sa survey ay nanggaling sa Mindanao na may 82%, sinundan ng Visayas (51%), National Capital Region (48%), at Balance Luzon (41%).

Karera sa Senado

Sa labanan ng mga kumakandidatong senador, ang broadcast journalist Raffy Tulfo ang nanguna sa naturang survey ng Pulse Asia na may 66.9% voting preference.

Sumunod sa kaniya sina Antique Representative Loren Legarda (58.9%),  dating Public Works and Highways Secretary Mark Villar (56.2%), Taguig lawmaker Alan Peter Cayetano (55.0%), Senator Miguel Zubiri (50.5%), at Sorsogon Governor Francis Escudero (49.8%).

Nasa pang-pito hanggang pang-15 puwesto naman sina Robin Padilla (47.3%), dating Vice President Jejomar Binay (45.6%), Senator Sherwin Gatchalian (44.6%), Senator Joel Villanueva (42.0%), dating Senator Jinggoy Estrada (38.6%), at dating Quezon City Mayor Herbert Bautista (32.8%).

Kasama rin sina Senator Risa Hontiveros (32.3%) at at dating senador JV Ejercito (31.6%).

Mayroong ± 4% error margin at 95% confidence level ang survey sa bawat geographic areas, ayon sa pollster.—FRJ, GMA News