Patay ang isang security guard sa isang condominium, at sugatan ang dalawa niyang kasama matapos pagbabarilin ng isang Chinese sa Taguig City nitong Sabado ng gabi.
Iniulat ni Mav Gonzales sa Super Radyo dzBB nitong Linggo na nang-agaw pa umano ng kotse ang suspek na kinilalang si Tan Xing o Tan Zhennan.
Ayon sa PNP Taguig Investigation Division, rumesponde ang tatlong security guards sa isang commotion sa isang condominium unit sa Barangay Ususan, dakong alas diyes ng gabi.
Taguig City Police is searching for Tan Xing/Tan Zhennan who shot and killed a security guard and injured two others in a condominium in Ususan last night.
— Mav Gonzales (@mavgonzales) March 13, 2022
He escaped in a stolen gray Honda City car with plate number DR 2911.
If you know his whereabouts, please call 8642-2062. pic.twitter.com/xqYlvjt1SN
Inabutan ng guards na nag-a away-away ang apat na tao sa unit, kabilang na ang suspek na si Tan Xing, na bisita sa condo.
Sinamahan ng tatlong guards pababa ang suspek pero pagdating umano sa gate ng condominium ay bigla na lamang daw itong bumunot ng baril at pinagbabaril ang mga guwardiya ng malapitan.
Dead on the spot ang isa. Ang isa pang guard ay tumakbo papalayo pero hinabol ng suspek, binaril at tinamaan din.
Pagkatapos, hinarang pa umano ng suspek ang kotse ng isang papasok na tenant, tinutukan ng baril, pinababa at saka inagaw ang kotse at tumakas na.
Binangga pa raw ng suspek ang boom ng guardhouse dahil sa pagmamadali.
Nakunan ng CCTV ang pamamaril, pero wala pang nilalabas na kopya ang condominium.
Stable na ang condition ng dalawang guards na nasa ospital.
Napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis na nakulong na dati sa Parañaque si Tan, 22-anyos, dahil sa kasong physical injury. Pero nagpiyansa ito noong March 4.
Posibleng kasuhan ng murder at carnapping ang suspek.
Patuloy ang paghahanap sa kanya ng mga awtoridad na naglabas ng mugshot ni Tan, at description ng kotseng inagaw niya na isang grey Honda City (DR 2911).
Nananawagan ang mga pulis sa sino mang nakakilala sa suspek na tumawag lamang sa 8642-2062 ng Taguig City Police.
Iniimbestigahan din umano ng mga pulis ang pinagmulan ng commotion sa condominium dahil may nakuha raw na droga sa unit, pero iimbestigahan pa ito.
Hindi pa nakapagbigay ng pahayag ang condominium management dahil sa araw ng Linggo ngayon at walang tao sa opisina, ayon sa ulat. —LBG, GMA News