Nabawi ng isang estudyante ang nanakaw sa kaniyang cellphone matapos niyang makita na bagsak-presyo itong ibinebenta sa social media. Ang mga suspek na nahuli sa entrapment operation, mga menor de edad.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ni She Cadores, ina ng estudyante, na ang mismong anak niya ang nakakita sa post sa internet sa nawala niyang cellphone na wala pang 24 oras ang nakalilipas.
“Mama, tingnan niyo po yung ano nandito po yung cellphone ko. Umiyak na siya ulit. Binebenta na po siya wala na yung sticker sa likod. Binebenta po P5,600. Noong time na po ‘yun talaga meron siyang project doon po nakalagay lahat iyak nang iyak siya,” ani Cadores.
May nakita raw palatandaan ang estudyante kaya namukhaan ang cellphone, bukod pa sa serial number nito.
Kaagad daw na gumawa ng dummy account ang mag-ina at nakipagnegosasyon sa nagbebenta ng cellphone para makipagkita sa isang mall sa Fairview, Quezon City.
Nang maaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Fairview Police Station 16 ang mga suspek, nakita nilang mga menor de edad ang mga ito.
Idinahilan naman ng naaresto na nabili rin lang daw nila ang cellphone sa murang halaga. Patuloy pa itong iimbestigahan ng mga pulis.
--FRJ, GMA News