Sugatan ang isang babae na papunta sa airport nang bumangga sa concrete barrier sa EDSA ang kotse ng transport network vehicle service (TNVS) na kaniyang sinakyan. Hinala ng babae, inaantok ang driver.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Hirit" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa South bound lane ng EDSA, bago mag-alas-tres ng madaling araw.

Wasak ang unahan ng kotse na minamaneho ni Gerome Niquet. Nagtamo naman ng sugat sa noo ang pasahero niyang si Hazel Bernardo, na nakaupo sa likod ng sasakyan.

Kuwento ni Niquet, may nakasabay siyang kotse at nabulaga siya sa mga concrete barrier sa pag-ahon niya sa P. Tuazon tunnel.

Dumating ang rescue team sa lugar para magamot ang sugat ni Bernardo na papunta sa airport at bibiyahe sana patungong Palawan.

Tingin ni Bernardo, inaantok ang driver kaya nangyari ang aksidente, bagay na itinanggi ni Niquet.

Nagdulot ng pagbigat ng daloy sa trapiko ang insidente at naalis ang naaksidenteng sasakyan dakong 5:00 a.m.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. --FRJ, GMA News