Pumanaw na ang preso na malapit na sanang mabuno ang kaniyang sentensiya. Ang naturang preso ay binaril umano ng apat na bilanggong pumuga sa New Bilibid Prison (NBP).
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) spokesman Gabriel Chaclag, na ang nasawing preso ay malapit na sanang lumaya dahil matatapos na nito ang kaniyang sentensiya.
Pero binaril umano ang biktima ng mga presong pumuga sa maximum security ng NBP matapos na tumanggi siyang buksan ang gate.
Bukod sa naturang preso, ilang guwardiya rin ang nasugatan at dinala sa Ospital ng Muntinlupa dahil sa nangyaring pagpuga ng apat na bilanggo.
“Nag-expire po kahapon [yung bilanggong nasugatan]. Initially napaospital pa natin. Kahapon nag-expire na po,” ayon kay Chaclag.
“‘Yung isa pa nga po naging biktima sa pagtakas nila, binaril nila ‘yung isang preso na ayaw buksan ‘yung gate. Alam nilang kasamahan nilang preso ‘yun pero binaril pa rin nila,” patuloy ng opisyal.
Samantala, "stable" na ang kalagayan ng dalawa nilang tauhan na nasugatan.
“Dalawa na po ‘yung na discharge. Under observation pa rin ‘yung dalawa. And during recovery [manhunt] operations ay nabaril din po ‘yung kasamahan natin sa tiyan pero stable na rin po siya, out of danger na rin po,” ayon kay Chaclag.
Sa pagtugis, napatay ang dalawang tumakas na sina Pacifico Adlawan at Arwin Bio, matapos umanong manlaban.
Patuloy namang hinahanap sina Chris Ablas at Drakilou Falcon.
Pawang may kasong robbery at pagpatay ang mga tumakas at itinuturing mapanganib.
Ayon kay Chaclag, bagong renovate ang gusali na kinaroroonan ng mga nakatakas na bilanggo.
“May mga ibang factor lang na doon tayo nagkulang siguro sa physical security kasi nagkaroon ng renovation sa building na yun recently. May mga security feature pa na dapat mailagay doon at siguro yun ang pinagsalamantalahan ng mga tumakas na ito,” pahayag niya.
Sinabi rin ni Chaclag na nakikipag-ugnayan ang BuCor sa mga kamag-anak at kaibigan ng mga pugante.
“Hinihikayat po namin sila na 'wag nila kunsintihin itong dalawa na ito. Mas mabauti po sumuko po sila para magkaroon ng pag-asa baka sakali pa sila makapagbagong-buhay,” payo niya.
—FRJ, GMA News