Inihayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes, na suspendido ang lotto draws simula sa Enero 10 hanggang 12 dahil na rin sa pagdami ng mga tinatamaan ng COVID-19.

Sa pahayag, sinabi ng PCSO na ginawa ang pansamantalang pagtigil ng lotto draws,  "Dahil sa patuloy na pagtaas ng talaan ng COVID cases sa ating bansa, at upang mapangalaan ang kalusugan, kaligtasan at kapakanan ng mga PCSO employees, mga ahente, at ng publiko."

"Ito ay upang maisagawa ang kaukulang hakbangin sa seguridad ng lahat," dagdag  ng PCSO said.

Mananatili naman bukas umano ang mga lotto outlet para sa mga nais bumili ng tiket para sa digit/jackpot games, keno, at instant sweepstakes.

Patuloy din ang small town lotteries na pinapayagan ng lokal na pamahalaan.

Inabisuhan ng PCSO ang publiko na ingatan ang mga biniling tiket para sa isasagawang "catch-up" draw sa pagbabalik ng draw operation.— FRJ, GMA News