Kinumpirma ng Department of Tourism na may isang Returning Overseas Filipino (ROF) na galing sa Amerika ang hindi dumaan sa kaniyang hotel quarantine at dumalo pa sa party sa Makati.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa panayam ng Super Radio dzBB, na nagyabang pa umano ang ROF na may koneksyon siya kaya nagawang makadalo sa party at hindi na dumaan sa quarantine.
Pero kinalaunan ay lumitaw na positibo sa COVID-19 ang ROF sa ikalimang araw at nagkasakit din ang mga kasama niya.
Hawak umano ng DOT ang ilang katibayan sa nangyaring party. At kinalaunan ay umamin umano ng ROF na tinakasan nito ang pag-quarantine.
Nagsasagawa na umano ng contact tracing sa lahat ng nakasalamuha ng balikbayan.
Pagpapaliwanagin naman at posibleng maharap sa reklamo ang hotel dahil sa kapabayaan.
"The hotel in question is currently being investigated and has been served a Notice to Explain (NTE), directing the establishment to submit its response to the allegation within three days,” pahayag ng kalihim sa kaniyang official Facebook account.
Samantala, nagbabala ang Department of Health (DOH) na pananagutin ang sinumang lumalabag sa quarantine protocols.
“[W]e remind everyone to exert utmost care in participating in gatherings and/or organizing gatherings particularly when it will involve individuals who have recent travel or exposure history,” ayon sa hiwalay na pahayag ng DOH.
Nitong Huwebes, lumobo sa 1,623 ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa at mayroong 133 na pasyente ang nadagdag sa talaan ng mga nasawi.
—FRJ, GMA News