Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong P5.024-trillion national budget para sa 2022. Kasama rito ang P50 bilyon para sa booster shots ng COVID-19 vaccines.
"I want to express my appreciation to the members of Congress for ensuring the timely ratification of the more than P5-trillion national budget," pahayag ni Duterte matapos pirmahan ang 2022 General Appropriation Act.
"I also recognize the efforts of our government agencies, our partners in civil society and other public servants who took part in the crafting of this important legislation," ayon pa sa pangulo.
Sinabi ni Duterte na ang pagpasa ng batas ay sumasalamin sa "healthy collaboration among all branches of government which is crucial in the attainment of our development goals especially during these trying times."
Disyembre 15 nang ratipikahan ng Senado at Kamara de Representantes ang 2022 GAA, na naglalaman din ng mga probisyon sa patuloy na pagtugon sa problema ng COVID-19 pandemic.
Kabilang dito ang paglalaan ng nasa P50 bilyon para sa Special Risk Allowances ng medical frontliners at P50 bilyon para sa booster shots ng COVID-19 vaccines.
Nakapaloob din sa 2022 budget ang alokasyon sa COVID-19 Laboratory Network Commodities, Department of Health (DOH) epidemiology and surveillance program; pagbili ng mga gamot, medical suplies at bakuna na aprubado ng Food and Drug Administration, at para sa Health Facilities Enhancement Program ng Department of Health.
Sinabi ng Malacañang, na may nakalaan ding pondo para sa relief at rehabilitation efforts para sa mga sinalanta ng bagyong "Odette."
"With a new budget, with the fresh sourcing of funds from the NDRRM (National Disaster Risk Reduction and Management) funds, the fresh sourcing of funds from the 2022 GAA, plus fresh QRF (Quick Response Fund), we will be able to address the need for construction materials of our countrymen worst-hit by Typhoon Odette," ayon kay acting presidential spokesperson Karlo Nograles nitong Miyerkules.
Una rito, sinabi ni Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance, na tatlo ang prayoridad sa 2022 budget na kinabibilangan ng empraestruktura, edukasyon at kalusugan, na pinaglaanan ng kabuuang P2 trilyong pondo.
Iginiit ng senador ang pagdagdag sa pondo para sa state universities and colleges (SUCs) at mga pampublikong paaralan upang paghandaan ang mga kailangang gawin kaugnay sa posibilidad na pagdaraos ng face-to-face classes sa harap pa rin ng nararanasang pandemic.
Umaasa si Angara na magtutuloy-tuloy at madadagdagan pa ang mga paaralan at unibersidad na magdaraos ng face-to-face classes sa susunod na taon.
Ikinatuwa naman ni Basilan Representative Mujiv Hataman, na dinoble ng mga mambabatas ang pondong inilaan sa Basilan State College, na mula sa P113.1 milyon ay ginawang P233.8 milyon sa bicameral conference committee.
Ngayon taon lang naaprubahan ang Republic Act No. 115544, para gawing Basilan State University ang dating Basilan State College, na makikita sa Isabela City, Basilan.
Ayon kay Hataman, makatutulong ang dagdag na pondo para makamit ang BASC ang mga rekisito na itinatakda ng Commission on Higher Education (CHED) tulad ng pagpapasuhay sa mga pasilidad para ganap nang maideklarang state university ang pamantasan.
"Once CHED approves its university status, Basilan State U can then offer more options for higher education. As of now, BASC offers several Bachelor of Science and Arts courses, as well as post-graduate education and some non-diploma programs," ayon sa kongresista. --FRJ, GMA News