Isa ang sugatan at mahigit sa 40 pamilya ang nawalan ng tirahan sanhi ng sunog sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing tulong-tulong ang mga bumbero upang maapula ang sunog sa Pingkian 2-A ng Brangay Pasong Tamo, na sumiklab hatinggabi nitong Martes.
Mabilis umanong kumalat ang apoy sa dikit-dikit na mga bahay na gawa sa light materials.
Nahirapan umanong pumasok ang mga bumbero dahil sa masikip ang daan papasok sa mga nasusunog na bahay.
Ayon sa BFP halos 20 bahay ang nasunog at 45 pamilya ang naapektuhan.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na naapula dakong 1:21 a.m. nitong Miyerkules.
Isang residente ang nasugatan, ayon sa BFP
Inaalam pa ang sanhi ng apoy. —LBG, GMA News