Nakakulong at nahaharap sa reklamong six counts of frustrated murder ang dalawang sundalo matapos na mamaril umano ng anim na sibilyan--kabilang ang tatlong menor de edad--sa mismong araw ng Pasko sa Taguig City.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabi ni Police Colonel Gerson Bisayas, hepe ng Taguig Police Station, na nakatalaga sa Tarlac ang dalawang sundalo ng Philippine Army.
Nasa Taguig ang dalawang sundalo at nakikipag-inuman sa third-flor ng isang bahay nang may mambato umano sa grupo ng mga suspek.
Pero ayon sa mga biktima, magtatapon sila ng basura nang may mambato sa kanila. Ibinalik daw ng mga biktima ang ibinato sa kanila.
“Yung kinalalagyan, allegedly, ng mga (sundalo) nasa 3rd floor ng bahay nila, ibinalik ‘yung bato. Siyempre po ay nag-iinuman ‘yung mga suspect natin dito, nagalit. Bumaba, ayon nangyari na ‘yung pamamaril,” ayon sa opisyal.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing dalawa sa mga biktima na nadaplisan ng bala ay napadaan lang sa lugar para bumili ng yelo.
"Parang nagalit sila sa namata. Nung wala na silang makita kami po yung pinag-initan, kami po yung pinagbabaril," ayon sa biktima.
Kinilala ang mga sundalo na ang magkapatid na sina Army Captain Nheiljay Garcia at Probationary 2nd Lieutenant Felomino Garcia.
Hindi nagbigay ng pahayag ang dalawang suspek.
Sinabi ni Bisayas na nakuha sa mga suspek ang isang Bushmaster M4 na baril, na ang bala ay katulad sa M16 rifle.
Hinihintay pa ng pulisya ang iba pang kaso na isasampa sa dalawang sundalo dahil na rin sa menor de edad ang ilang biktima.
“So far, sa awa ng Diyos, wala namang namatay at ang tama nila ay hindi naman mga fatal, maliban lang do’n sa isa nating biktima na ngayon ay naka-confine pa sa hospital. Pero stable naman po siya,” pahayag ni Bisayas.
--FRJ, GMA News