Isang lalaki ang muntik nang mabiktima ng mga hacker ng bank account matapos na may tumawag sa kaniya at nagpakilalang tauhan umano ng anti fraud department ng isang bangko.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, ikinuwento ni Joms Donaire, na may tumawag sa kaniya at nagpakilalang taga-bangko para umano sa dagdag na seguridad sa kaniyang account matapos ang nangyaring hacking kamakailan sa ilang bank account.

“Taga-anti fraud department daw po sila, ine-explain niya kasi yung recently na nangyaring yung mga hacking ng ibang account,” ani Donaire.

“Para ma-secure yung account ko kailangan po nila magdagdag ng security questions sa system, so para po ma-activate 'yon kailangan po nila ma-verify yung aking username tsaka yung last four digits ng aking ATM,” patuloy niya.

Pero nagkaroon daw ng pagdududa si Donaire kaugnay sa mga hinihingi sa kaniyang impormasyon.

“Nagtaka ako kasi tinatanong niya kung capslock ba or hindi yung aking username, so kung ive-verify niya po dapat alam na nila, bakit pa niya tinatanong. Nag-try po ako mag-forgot password at 'yon po kung ano hinihingi ng app, yun din po hinihingi nila,” dagdag niya.

Ayon kay Donaire, hindi naman napasok ang kaniyang account.

Nagbabala naman ang National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division, na isa sa palatandaan na manloloko ang kausap kapag nagpanggap itong taga-bangko at aapurahin ang biktima na magbigay ng impormasyon tungkol sa kaniyang account.

“Ang unang-una ho kasing telltale sign na bogus ho ‘yung tumatawag sa inyo at nagpe-pretend lang na representative coming from the bank is ‘yung may sense of urgency. Sasabihin nila na may nagta-transact under your account,” ayon kay Atty. Vic Lorenzo, NBI Cybercrime Division chief.

“Kapag humingi ng account information ‘yung tumawag sa inyo, at the same time ‘yung mga password niyo or OTP (one time pin), scammer ho ‘yung kausap ninyo,” paliwanag niya.

Ayon kay Lorenzo, hindi dapat ibigay ng publiko sa ibang tao ang kanilang account information, pati na password at OTP code.

“Kapag namimili ka online, basic principle lang ho niyan, if it is too good to be true, it is not true. Kapag nagmamadali, masyadong malaki ang discount, hindi ho totoo ‘yan,” patuloy niya.

--FRJ, GMA News