Nababahala ang Britanya sa natuklasang bagong coronavirus variant na kumakalat ngayon sa South Africa na maaari umanong hindi lubos na malabanan ng COVID-19 vaccines.
Ayon sa ulat ng Reuters, sinabi ni UK Health Security Agency, na ang naturang variant na tinawag na B.1.1.529, ay may spike protein na iba sa orihinal na coronavirus na siyang pinagbasehan ng COVID-19 vaccines.
"This is the most significant variant we have encountered to date and urgent research is underway to learn more about its transmissibility, severity and vaccine-susceptibility," ayon kay UKHSA Chief Executive Jenny Harries.
Ngayong linggo lang natukoy ang naturang variant pero nagpatupad na ang Britanya ng travel restrictions sa mga manggagaling sa South Africa at lima pang bansa na kalapit nito--ang Namibia, Botswana, Zimbabwe, Lesotho at Eswatini,
"What we do know is there's a significant number of mutations, perhaps double the number of mutations that we have seen in the Delta variant," ayon naman Health Secretary Sajid Javid.
"And that would suggest that it may well be more transmissible and the current vaccines that we have may well be less effective," dagdag niya.
Bilang bahagi ng pag-iingat, iniutos ng Britanya na ang mga kababayan nilang manggagaling sa nasabing mga bansa ay kailang mag-quarantine.
Sinabi ni Javid na kailangan pa ang dagdag na mga pag-aaral sa bagong variant, pero bahagi ng pag-iingat ang pagpapatupad kaagad ng travel restrictions.
Nitong Huwebes, sinabi ng mga dalubhasa sa South Africa na nadiskubre nila ang bagong COVID-19 variant "in small numbers" at pinag-aaralan pa nila ang maaaring epekto nito.
Nakita na rin ang naturang variant sa Botswana at Hong Kong.
Ayon naman kay Imperial College London epidemiologist Neil Ferguson, na "unprecedented" ang bilang ng mutations sa spike protein ng bagong variant na nagpataas umano sa COVID-19 cases sa South Africa.
"The government’s move to restrict travel with South Africa is, therefore, prudent," pahayag niya.
"However, we do not yet have reliable estimates of the extent to which B.1.1.529 might be either more transmissible or more resistant to vaccines, so it is too early to be able to provide an evidence-based assessment of the risk it poses," paliwanag pa ni Ferguson -- Reuters/FRJ, GMA News