Ilang beachgoer ang inatake ng dikya habang naliligo sa dagat sa Dagupan, Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing marami ang nagtungo sa mga beach ngayon Undas dahil na rin sarado ang mga pampublikong sementeryo.
Mahigpit naman ang pagbabantay ng mga awtoridad tulad sa Tondaligan beach park sa Dagupan City para maiwasan ang mga disgrasya.
Bawal ang magbenta at uminom ng alak sa beach, at hanggang 5:00 pm lang papayagan ang paliligo.
Gayunman, hindi maiwasan na may ilang beachgoer ang magkaroon ng problema matapos masalabay o makapitan ng dikya.
Isa ang nasalabay sa Tondaligan habang 10 naman sa San Fabian beach, na pawang binigyan ng paunang lunas.
Inaasahan na patuloy na dadagsa ang mga tao sa mga beach hanggang sa Nobyembre 3. --FRJ, GMA News