Hindi kaagad nalaman ng ilang nagpunta sa Manila Bay dolomite 'beach' nitong Martes na bawal na sa loob ang mga batang edad 11 pababa kaya mayroon pa rin nagsama ng mga bata.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita," sinabi na maging ang mga nagbabantay sa beach ay hindi rin kaagad nalaman ang naturang kautusan kaya pinayagan pa rin ang mga bata nakapasok sa loob nang magbukas ito ng 5:30 am.
Pero dakong 6:00 am, sinimulan nang harangin at hindi na pinapapasok ang mga bata.
Ang direktiba na bawal na ang mga bata sa beach ay iniutos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Nitong Lunes, ipinaalala rin ni presidential spokesperson Harry Roque, na pinapayagan lang ang mga bata na lumabas para sa "essentials" at hindi puwede sa pamamasyal.
Sa Palace briefing nito ring Martes, nilinaw ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na mga batang edad 11 ang bawal sa loob ng beach at puwede ang 12-anyos pataas.
"Nagkaroon ng confusion na sinasabing 12 years old and below, kasi ang pinagbasihan nila ay 12 years old up to 17 years old ay pinapayagan na po magbakuna ngayon," paliwanag ng opisyal.
"Ngayon, inaayos po namin itong impormasyon, 11 years old and below ang ipagbabawal po muna," patuloy niya.
Pinayuhan naman ng mga pulis ang mga magpupunta sa beach na may kasamang bata na magdala ng ID o katibayan na magpapatunay sa edad ng mga kasama nilang bata.
Sinabi naman ni Antiporda na ilan sa pagbabago na ipatutupad sa beach ay ang paglimita sa mga tao na manatili lang sa loob ng hanggang limang minuto.
Nasa 300 hanggang 400 katao naman ang papayagang na sabay-sabay na makatapak sa dolomite beach.
Isasara din ang beach sa Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.--FRJ, GMA News