Nakabangga ang isang kotse ng UV Express at motorsiklo sa may Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong Martes ng madaling araw.

Sugatan ang driver ng UV Express at rider ng motor na parehong dinala na sa ospital.

Nagtamo rin ng mga sugat ang driver ng kotse.

Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes, nangyari ang aksidente mag-a-ala una ng madaling araw.

Wasak ang harap at likod na bahagi ng kotse. Yupi rin ang nabangga nitong UV Express.

Napag-alaman na galing sa inuman ang driver at naka-inom umano ito.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority traffic enforcer na si Jowil Memita, galing sa Luzon Avenue ang kotse na kung saan may una na pala siyang nabangga. Na-report na nag-hit and run umano ang driver ng kotse. Nabangga nito ang isang rider na ngayon ay nasa kritikal na kondisyon.

Bumangga pa sa concrete barrier sa Tandang Sora Avenue ang naturang kotse. Sinubukan pa umanong tumakas ng driver ngunit nahabol ito ng mga awtoridad.

Samantala, hindi na nakunan ng pahayag ang driver ng kotse ngunit mahaharap siya sa patong-patong na kaso. —Sherylin Untalan/KG, GMA News