Planong bumalik sa Senado ni dating Speaker at Taguig Representative Alan Peter Cayetano sa pagsabak niya sa May 2022 national elections.
Sa pulong balitaan nitong Huwebes sa Taguig City, inabandona na ni Cayetano ang una niyang planong tumakbong pangulo sa darating na halalan.
"I'll run as an independent and then I will reach out to them and show them the five-year plan, ask them to improve it, 'yung pumansin I will consider them, 'yung hindi pumansin I will just wave na lang sa kanila," paliwanag niya.
Plano ng kongresista, na dating senador bago naging kalihim ng Department of Foreign Affairs, at naging speaker, na maghain ng kaniyang certificate of candidacy sa Huwebes ng hapon.
"These next three months, as I've said I'll be offering 'yung five-year plan and 'yung 10K and 'yung mga value-based or faith-based na mga stand, for example tatanungin ko sila ano stand nila sa sugal, ano stand nila sa West Philippine Sea," ayon sa mambabatas.
Una rito, inihayag ni Cayetano na plano niyang tumakbong pangulo dahil na rin sa dumadaming uri ng pasugalan sa bansa tulad ng online casino at sabong.
Pero napagtanto umano ng kongresista na maaaring magdagdag lamang siya sa pagkakahati-hati ng bansa kapag tumakbong pangulo.
Naging senador si Cayetano mula 2007 hanggang 2017. Kasalukuyang senador naman ang kaniyang kapatid na si Pia Cayetano. — FRJ, GMA News