Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na ilagay ang National Capital Region (NCR) at lalawigan ng Laguna sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Agosto 21 hanggang Agosto 31, 2021.

Ayon kay spokesperson Harry Roque nitong Huwebes, ilalagay din ang Bataan sa MECQ simula sa Aug. 23 hanggang Aug. 31.

"These latest classifications are without prejudice to the strict implementation of granular lockdowns," sabi ni Roque sa isang pahayag.

Isinailalim sa enhanced community quarantine ang Metro Manila at Laguna hanggang Agosto 20 (Biyernes) dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases, na hinihinalang dulot ng mas nakahahawang Delta variant.

Sa ilalim ng MECQ, sinabi ni Roque na bawal ang indoor, al fresco dine-in services.

Hindi rin puwedeng magbikas ang mga personal care services tulad ng beauty salons, beauty parlors, barbershops at nail spas.

Mananatili pa rin sa virtual activities ang religious gathering, ayon kay Roque.—FRJ, GMA News