Sigurado nang hindi bababa sa apat na medalya ang maiuuwi ng mga atletang Pinoy sa idinadaos na sa 2020 Tokyo Olympics. Ito na ang pinakamaraming medalya na kinabig ng bansa mula nang sumali sa kompetisyon noong 1924.
Unang nasungkit ng weightlifter na si Hidilyn Diaz ang kauna-unahang gold medal para sa Pilipinas.
Nitong Martes, nakuha ng boxer na si Nesthy Petecio, ang silver medal sa women's featherweight division. Natalo siya kay Sena Irie ng Japan.
Sigurado na sa bronze medal ang isa pang boxer na si Eumir Marcial nang pabagsakin niya si Arman Darchinyan ng Armenia sa quarterfinal round ng men’s middleweight division noong Linggo.
Posible pang maging silver o gold ang medalya ni Marcial sa darating niyang laban.
Galing pa rin sa boxing ang ika-apat na medalya ng Pilipinas matapos na manalo si Carlo Paalam laban sa Olympic at world champion na si Shakhobidin Zoirov ng Uzbekistan sa quarterfinals ng men's flyweight division.
Tulad ni Marcial, maaari ding maging silver o gold ang medalyang iuuwi ni Paalam.
Nitong Lunes, kinapos ng puntos para makakuha ng medalya ang pambato ng Pilipinas sa artistic gymnastics na si Carlos Yulo, matapos na pumang-apat siya sa labanan.
Nakalikom ng 14.716 points si Yulo, kontra sa 14.733 points ni Artur Davtyan ng Armenia na siyang pangatlo at nakakuha ng bronze medal. --FRJ, GMA News