Nasawi ang isang palaboy umanong lalaking matapos siyang masagasaan ng isang pampasaherong bus sa EDSA busway sa Quezon City.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente pasado 8 a.m. sa kasagsagan ng mataas na volume ng mga sasakyan sa southbound lane ng busway malapit sa Bansalangin Street.
Naipit ang biktima sa ilalim ng hulihang gulong ng bus.
Hindi pa nagbigay ng payahag ang traffic investigator ng Quezon City Police District pero inilahad ng mga tauhan ng Public Order and Safety ng Quezon City Hal,l na base sa pakikipag-usap nila sa driver ng nakabanggang Jell Transport bus, biglang sumulpot ang biktima.
Sinubukan ng GMA News na makuhanan ng pahayag ang nakabanggang driver pero nagkulong ito sa bus.
Ayon naman sa impormasyong nakalap ng Quezon City Hall Department of Public Order and Safety, sa gilid ng busway sa ilalim mismo ng elevated rail ng MRT natutulog ang biktima.
Isinagawa ang clearing operations nitong 8 a.m. sa lugar ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Nagtakbuhan umano ang mga tumitigil sa center island, kabilang na ang lalaki. Paglundag, dito na nasagasaan ang biktima.
Kinumpiska ang lisensya ng driver, na kakasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide.--Jamil Santos/FRJ, GMA News