Inihayag ng Malacañang nitong Lunes na makatatanggap ng P1,000 hanggang P4,000 na ayuda ang bawat bahay ng mga low-income resident sa Metro Manila na maaapektuhan ang hanapbuhay dahil sa ipatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) simula sa Agosto 6-20, 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.
"Walang ECQ kung walang ayuda," pagtiyak ni presidential spokesperson Harry Roque.
"Sigurado may ibibigay na P1,000 per person and maximum of P4,000 per family. Hindi pa lang sigurado saan kukunin," dagdag niya.
Inaasahan ni Roque na matutukoy ng Department of Budget and Management (DBM) ngayong Lunes kung saan kukunin ang pondo para sa ayuda.
"Para maibigay po ito sa lalong madaling panahon," aniya.
Ayon pa kay Roque, ang pondo sa ayuda ay sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development's Assistance to Individuals in Crisis Situations.
Samantala, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na naghahanap din ang kagawatan ng pagkukunan ng pondo upang matulungan ang mga manggagawa na maapektuhan ng panibagong dalawang linggong ECQ sa Metro Manila.
Sa Laging Handa briefing nitong Lunes, sinabi ni Labor Undersecretary Benjo Santos Benavidez, na hindi pa sila nakapagdedesisyon kung kukuha sa kasalukuyang pondo ng kagawaran o hihingi ng karagdagang pondo sa Department of Budget and Management. —FRJ, GMA News