Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaking lasing umano matapos magdulot ng trapiko ang nakahambalang niyang sasakyan at pinagtutulak at pinagmumura pa ang umaarestong pulis sa Muntinlupa City.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita sa cellphone video ng Muntinlupa City Police na kaalitan ng suspek na si Franz Luke Sioson Orbos ang isang pulis.
"Bakit niyo ako poposasan? Hindi niyo ba ako kilala?... Kilala niyo kung sino ang tatay ko? Bakit niyo ako ginaganito?" sabi ng suspek nang magpumiglas habang pinoposasan.
Gayunman, hindi sinabi ng lalaki kung sino ang tatay niya, at inaresto rin siya kalaunan.
Sinabi ng pulisya na umaresto kay Orbos na humingi sa kanila ng tulong ang operations center ng Muntinlupa City noong Hulyo 14 ng 6:30 p.m. dahil isa at kalahating oras nang nakaharang sa kalsada ang sasakyan ng suspek.
"Initial violation which is obstruction of traffic. 'Yun nga ang nangyari, noong kinatok, ayaw magising, unresponsive, niyugyog, doon siya lumabas at pinagsisigawan 'yung mga traffic enforcer natin," sabi ni Police Colonel Melecio Buslig Jr., Chief ng Muntinlupa Police.
"Ang gusto lang po sana naming mangyari, sumama siya nang maayos. Nagpapapumiglas po talaga siya ayaw niyang magpaposas. Dinibdiban niya po ako noong paglapit ko sa kaniya," ayon kay Police Corporal Rolano Liban, umaresto kay Orbos.
"Sobrang lakas niya ma'am, napigtal niya 'yung posas niya. Konting galos lang [ang tinamo ko], nagpamedical na, doon na siya humingi ng despensa na hindi niya raw alam ang pinaggagawa niya sa sarili niya," ayon naman kay Police Colonel Marlon Sandoval.
Bahagi na ng kanilang imbestigasyon ang cellphone video na kanilang kuha.
Sinampahan na ng patong patong na kaso si Orbos nitong Huwebes. Pero alinsunod sa utos ng inquest prosecutor, pansamantala muna siyang pinalaya para sa karagdagang imbestigasyon.
Nakatakda ang preliminary investigation sa kaso ni Orbos sa Hulyo 30, kabilang ang alarm and scandal at direct assault sa mga awtoridad. — Jamil Santos/DVM, GMA News