Sinabi ni Senador Manny Pacquiao na sadyang ginugulo siya ng mga katunggali sa pulitika para maalis ang atensiyon niya sa paghahanda sa laban kay Errol Spence Jr. para matalo at mapahiya siya.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ginawa ni Pacquaio ang mga pahayag sa panayam ng Super Radyo dzBB.

"I'm sure that's [what] they want to do. Trying to distract me. Distract my focus for the fight para ma-distract ako, matalo ako," anang senador na kasalukuyang nagsasanay sa Amerika.

"Hindi naman tayo pinanganak kahapon lang, hindi naman tayo natutulog sa pansitan," patuloy niya.

Umaasa rin umano ang kaniyang mga kalaban na matatalo siya kay Spence para magmukha siyang tanga.

"Kumbaga siyempre nag-e-expect sila sana matalo si Manny Pacquiao para gawin ako ano...para magmukha akong tanga," patuloy niya.

Sa harap ng kaniyang pagsasanay sa Amerika bilang paghahanda sa kaniyang laban, patuloy naman ang ingay tungkol sa sigalot sa partidong PDP-Laban kung saan siya acting president si Pacquiao.

May nakatakdang pagpupulong sa Sabado, July 17, ang paksyon sa PDP-Laban na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi, vice chairman ng partido, na una nang pinatalsik ni Pacquiao.

Inaasahang dadalo sa naturang pagtitipon si Pangulong Rodrigo Duterte, na tumawag kamakailan kay Pacquiao na "punch-drunk" o nakalog ang utak dahil sa tinamong mga suntok sa laban.

Sa naturang panayam sa dzBB radio, sinabi ni Pacquiao na handa siyang lumaban sa pagmememorya para patunayan na maayos ang kaniyang isip.

“Hindi naman ako sa nagyayabang pero, ayaw ko na lang mag-ano pero makipag-contest na lang siguro ako ng memorization, kung punch-drunk ako,” saad ng senador na hindi nagbanggit ng pangalan kung sino ang kaniyang hahamunin.

“Ayoko na lang mag-abot sa ganyan," sabi ni Pacquiao.

“Sa totoo lang, iniisip ko, naaawa ako sa sambayanang Pilipino, kasi kung ako na senador, in-elect ng tao, ako na Manny Pacquiao, kaya nilang ganyanin, ano pa kaya ang mga maliliit na tao, ‘yung mahihirap na tao? Ano na lang kaya? Paano nila paglaruan?” patuloy niya.

Dagdag pa ni Pacquiao, ngayon na ang tamang panahon para madinig ang tunay na boses ng mga mahihirap.

Binanggit ni Duterte noong nakaraang linggo ang pagiging "punch-drunk" umano ni Pacquiao, matapos naman mag-akusa ang senador na mayroong mga katiwalian sa gobyerno, tulad ng hindi pagbibigay ng P10 bilyong Social Amelioration Program funds o ayuda sa pandemya.

Sinabi ni Pacquiao na maglalabas siya ng katibayan na video at audio recording umano ng katiwalian pag-uwi niya sa Pilipinas sa Agosto pagkatapos ng laban niya kay Spence.--FRJ, GMA News