Inihayag ni Vice President Leni Robredo nitong Biyernes na bukas pa rin siya sa posibilidad na tumakbong pangulo sa 2022 elections, sa harap ng pahayag ni dating Camarines Sur Representative Rolando Andaya Jr., na kakandidato siya bilang gobernador ng lalawigan.

"Sa gitna ng maraming haka-haka, uulitin ko lang ang ilang beses ko na ring sinabi: Wala pang desisyon na ako'y tatakbong gobernador," paglilinaw ni Robredo sa isang pahayag.

"Nananatili akong bukas na maging kandidato sa pagka Pangulo. Maraming konsiderasyon ang isinasaalang alang pero siguradong magdedesisyon ako sa tamang panahon," dagdag niya.

Ginawa ni Robredo ang pahayag sa kabila ng lumabas na ulat na sinabi ni Andaya, na ang paglipat ng bise presidente ng voter's registration sa Magarao, Camarines Sur, ay indikasyon ng tatakbo siyang gobernador sa lalawigan.

Dating residente at botante si Robredo ng Naga City, isang independent component city, na hindi kasama bilang mga botante para sa mga opisyales ng kapitolyo ng Camarines Sur.

"I talked to her personally and she has intimated to me that she will run for governor and we have set benchmarks that she has to fulfill," sabi ni Andaya sa tweet ng Philippine Star.

Sinabi pa ni Andaya na nakasaad sa ipinakitang national ID ni Robredo ang paglipat niya sa Magarao.

Pero ayon kay Robredo, sa kaniya mismo manggagaling kung anoman ang magiging plano niya sa 2022.

"Sinisiguro ko sa lahat na ipapaalam ko kung may narating nang desisyon," anang pangalawang pangulo.

Sa Oktubre na gagawin ang filing of candidacy ng mga tatakbo sa 2022 elections.--FRJ, GMA News