Limang deboto ng Poong Nazareno ang dinakip ng mga awtoridad dahil sa paglabag sa health protocols sa First Friday Mass sa simabahan ng Quiapo ngayong Hunyo.
Sa ulat ni Katrina Son sa GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing dumagsa ang mga deboto na gustong makapasok sa simbahan para makapagmisa.
Sinabi ni Police Lieutenant Colonel John Guiagui ng Manila Police District, na sabay-sabay ang pagdating ng mga deboto mula sa iba't ibang lungsod sa Metro Manila at mga karating nitong probinsya.
Agad na binuwag ng mga awtoridad ang pila ng mga deboto, at ipinaalala sa mga tao na limitado pa rin ang pagpasok sa simbahan.
Pero may ilan pa ring hindi sumusunod, dahilan para hulihin ang limang deboto ng Nazareno.
Ikinagalit din ng commander ng presinto sa Plaza Miranda na si Police Major Aldin Balagat ang pagbalewala umano ng mga tao sa paulit-ulit nilang pakiusap, dahil ang ilan ay nagbababa pa ng kanilang face masks.
Sinabi ni Guiagui na ibinalik na nila ang dating sistema na "first come, first serve" ilang minuto bago matapos ang Misa at aarestuhin ang mga pasaway.
Hindi na ikinulong ang limang hinuli, pero isinalang sila sa lecture at sermon ng pulisya at ipina-blotter bago sila pinauwi. --Jamil Santos/FRJ, GMA News