Nalagay sa peligro ang ilang mga kabahayan matapos gumamit ng mga Molotov bomb ang mga kabataan sa kanilang riot sa Malabon City at Caloocan City. Ang anim sa kanila, hinuli ng pulisya.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, mapapanood sa kuha ni Kaye Lomongo na nasa kalsada pa rin ang ilang kabataan sa Barangay Tugatog, Malabon City kahit alas dos na ng madaling araw na at oras ng curfew.
Ang isang grupo, may dalang pamalo samantalang ang kabilang panig, nagdala ng Molotov cocktail.
Kamuntikan pang masunog ang kable ng kuryente nang mapunta roon ang isang inihagis na Molotov.
Nagpulasan lamang ang mga kabataan nang marinig na nila ang wang-wang ng pulisya.
"'Yung ka-workmate ko kasi nakita niya 'yung isa na may hawak na sabi baril daw," sabi ni Lomongo.
"Siguro nagkataon lang 'yang riot na 'yan, nataon na talagang ang pag-iikot namin ay nakalagpas na or hindi pa nakararating," sabi ni Mark Berbo, Treasurer ng Brgy. Tugatog, Malabon.
Timbog ang anim na kabataan sa araw na iyon, kung saan lima sa kanila ang 18-anyos, at isa sa kanila ang 17-anyos.
Mahaharap ang mga nasa wastong gulang sa reklamong alarm and scandal at illegal possession of bladed weapon.
Inilagay naman sa pangangalaga ng social welfare department ng Malabon ang menor de edad.
Sinabi ng pulisya na hindi ito ang unang beses na nagka-riot ang mga kabataan.
Ganito rin ang eksena sa Caloocan City kung saan mga Molotov din ang ginamit nilang sandata.
Sinabi ng Caloocan City Police na grupo ng mga taga-Caloocan at taga-Malabon ang nag-riot.
"Nagdedepensahan sila ng teritoryo, which should not be the case. Kailangan ma-neutralize itong mga kabataang ito kasi it involves mga molotov throwing eh. Hindi rin makontrol ng barangay so sabi ko dapat nagsusumbong sila sa pulis para mas maaksyunan," sabi ni Colonel Samuel Mina, Chief ng Caloocan Police.
Sinubukan ng GMA News na kunin ang pahayag ng barangay na pinangyarihan ng riot at ang barangay ng mga kabataang sangkot, pero tumanggi sila.
Walang nadakip ang mga pulis pero tukoy na nila ang mga batang Caloocan sa video, na ipatatawag kasama ang mga magulang. —Jamil Santos/LBG, GMA News