Mapalad na hindi nahulog ang loob ng isang 74-anyos na lola at nakaiwas sa love scam nang tanggihan niya ang alok na P2-milyon at kasal ng isang nagpakilala sa kaniyang retired general daw ng US Army.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing inilarawan ni Lola Aida Real ang kaniyang sarili sa social media na 74-anyos na balo at may negosyo.

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), "ginto sa mata" ng mga love scammer ang profile ni lola Aida.

"Ipo-profile ka muna nila. Unang-una, tinitingnan nila 'yung financial capability mo. Anong financial background ng family mo? At the same time, nag-iisa ka ba?"  sabi ni Vic Lorenzo, hepe ng NBI Cybercrime Unit.

Isang nagpakilalang retired general sa US Army ang pumorma kay Lola Aida.

"Kahit English carabao naintindihan niya eh. Meron akong maliit na business sabi ko. Pero sapat lang para sumuporta sa anak ko," kuewnto ni lola Aida.

"Oo siyempre. Kasi sabi ko noon baka sakali doon gumanda ang buhay ko. Nagbabaka sakali rin," sagot ni Lola Aida nang tanungin kung umaasa pa siya sa true love.

Bilang bahagi ng kanyang modus, sinabihan ng online lover si Lola Aida na padadalhan siya ng dollars.

Ayon kay Lola Aida, umabot ng P2 milyon ang pinadala umano ng kaniyang "manliligaw," at naghayag pa na balak nitong pumunta sa Pilipinas at pakasalan siya.

Pero pinagbayad si Lola Aida ng processing fee raw na P200,000 para makuha ang ipinadalang P2 million.

Mapalad namang nagising si lola Aida mula sa "online gayuma."

Pina-compute ko sa anak ko. Sabi nga ng anak ko, 'Two million ang halaga niyan, Mama.' Nagtaka ako. Sabi ko 'Bakit magpapadala ng ganiyan kalaki 'yan?' May balak daw siyang pumunta ng Pilipinas para ako raw ay pakasalan," sabi ni lola Aida.

Gayunman, may isang kaso sa NBI kung saan umabot sa P10 milyon ang nakuha sa isang biktima.

"'Yung victim na 'yun parang retiree. 'Yung pension fund niya or nakuha niya sa retirement niya ang nakuha," sabi ni Lorenzo. —Jamil Santos/LBG, GMA News