Tumagilid ang isang ambulansya sa panulukan ng EDSA at Timog Avenue nang masalpok ng isang taxi bago magtanghali nitong araw ng Linggo.
Iniulat ni Isa Umali sa "Dobol B TV" na nagpaikot-ikot umano ang ambulansya nang masalpok ng taxi. Mabuti na lamang umano at wala pang sakay ito na pasyente.
Sa panayam ng Dobol B TV kay MMDA chief Bong Nebrija -- na nagpunta sa incident scene -- sinabi niyang nagpang-abot ang taxi at abulansya.
"Well, nagkaabutan sila sa may panulukan ng EDSA at Timog Aveunue. Ang ambulansya galing sa East Avenue, at itong taxi ay coming from the North going South. Naka-siren ang abulansya, at may enforcer na pumigil sa sa taxi na huwag munang mag-go. Pero, dire-diretso yung taxi," pahayag ni Nebrija.
"Unfortunately, limang beses umano nagpaikot-ikot ang ambulansya patagilid bago huminto sa paggulong," dagdag niya.
Ayon sa ulat, walang pasyente na sakay ang ambulansya dahil magsusundo pa lamang ito nang maaksidente.
Ayon kay Nebrija, sugatan at hilo ang driver ng ambulansya, at ang taxi driver din ay disoriented. Dinala na sila sa pagamutan.
Inimbestigahan na ng mga pulis ang insidente.
Paalala ni Nebrija sa mga motorista, may right of way ang mga emergency vehicle gaya ng ambulansya lalo na kung naka-siren. —LBG, GMA News