Tinanggap ni retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdebate sila tungkol sa usapin ng West Philippine Sea. Kasabay nito ang hamon ng dating mahistrado na magbitiw na sa puwesto ang Punong Ehekutibo.
“I gladly accept the challenge anytime at the President's convenience,” sabi ni Carpio sa isang pahayag nitong Huwebes.
Sa televised address nitong Miyerkules, muling binatikos ni Duterte si Carpio at sinisi sa pag-alis ng barko ng Pilipinas sa 2012 standoff sa mga barko ng China sa Scarborough Shoal.
“Pareho naman tayong abogado, gusto mo mag-debate tayo? Dalawa, tatlong tanong lang ako. 'Sino ang nagpa-retreat at anong ginawa ninyo after sa retreat?," ayon kay Duterte.
Sa pahayag, sinabi ni Carpio na limitado lang ang kaalaman niya sa naturang pangyayari dahil nagsisilbi siya noon bilang mahistrado sa Korte Suprema.
“President Duterte should now resign immediately to keep his word of honor,” ani Carpio. “I state under oath that I was never involved in the decision to withdraw Philippine Navy ships from the West Philippine Sea during the 2012 Scarborough standoff.”
“I call as my witnesses former President Benigno Aquino III and the Defense Secretary, Foreign Affairs Secretary, and the Chiefs of the Philippine Navy, Air Force and Coast Guard at that time,” ayon sa dating mahistrado.
Bukod kay Carpio, sinisi rin ni Duterte si dating Foreign Affairs chief Albert del Rosario kaya lumakas ang puwersa ng China at nakapagtayo ng mga estruktura sa West Philippine Sea (WPS).
Sina Carpio at Del Rosario ay kabilang sa mga opisyal ng Pilipinas na nanguna sa pagsasampa ng kaso laban sa China sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague dahil sa panghihimasok sa teritoryo ng bansa.
Nanalo ang Pilipinas sa naturang kaso noong 2016, at lumabas ang desisyon ilang buwan matapos mahalal na pangulo si Duterte.
Hindi kinilala ng China ang desisyon at iginiit ang kanilang pag-angkin sa halos buong South China Sea, kasama na ang WPS, base sa pinaniniwalaan nilang kasaysayan at tradisyon.
Sa naturang televised address ni Duterte nitong Miyerkules, tinawag ng pangulo na kapirasong papel at kaniyang ibabasura ang naturang desisyon ng international court na nagpanalo sa Pilipinas.— FRJ, GMA News