Isang public crematorium sa Muntinlupa City ang inirereklamo ng mga residente dahil sa makapal na usok at masangsang na amoy na nanggagaling daw dito, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes.
Giit naman ng local government unit, walang dapat ikabahala ang mga residente usok dahil hindi naman daw ito banta sa kalusugan.
Bagama't may pader sa pagitan ng crematorium at sa mga bahayan, mababa lang daw ito. Ang chimney naman daw ay halos ka-level lang ng ibang bahay kaya nakakapasok sa mga ito ang usok.
Ilang residente na raw ang lumipat ng bahay dahil sa perwisyong ito.
Pumayag na raw ang lokal na pamahalaan na taasan ang chimney sa lalong madaling panahon, pero ang pagtataas ng pader ay pag-uusapan pa raw.
"Wala naman daw po itong banta dahil mayroon namang nilalagay na kemikal doon sa pagsusunog atsaka ito po ay may disinfection, every after ng kini-cremate. Yung sinasabi nilang masangsang na amoy, pinaiimbestigahan pa rin yan," sabi ni Tess Navarro, pinuno ng Public Information Office ng Muntinlupa City.
"Per according to the technician, ang tao o ang namatay pagka nasusunog po, wala hong amoy yan, maliban sa... nilalagyan ho kasi ng chemicals yan par di po siya umamoy," dagdag pa niya.
Humihingi ng pang-unawa ang LGU sa mga apektadong residente. Ayon dito, tatlong bangkay ang kini-cremate sa lugar kada araw. --KBK, GMA News