Umabot na sa mahigit isang milyon ang kabuang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas matapos maitala ang panibagong 8,929 na mga kaso, ayon sa Department of Health.

Sa datos ng DOH ngayong Lunes, nakasaad na 1,006,428 na ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa bansa, at may siyam pang laboratoryo ang hindi makapagsumite ng datos sa takdang oras.

Ayon pa sa DOH, 74,623 ang mga aktibong kaso na 95.4% nito ay "mild" cases, 1.4% ang "asymptomatic," 1.3% ang "severe," at 1% ang "critical."

Patuloy din naman ang pagdami ng mga gumagaling na umaabot na sa 914,952 matapos na madagdagan ng 11,333.

Samantala, 70 naman ang mga pasyenteng pumanaw para sa kabuuang bilang na 16,853.

Nauna nang inihayag ng OCTA Research group na batay sa kanilang pagtaya, aabot sa mahigit isang milyon ang kabuuang COVID-19 cases sa Pilipinas bago matapos ang Abril.

Nangyari ito matapos magkaroon ng magdami ng hawahan na nasimula noong huling bahagi ng Marso kaya nagpatupad ng mas mahigpit na quarantine protocols.  Marami rin sa mga ospital sa Metro Manila at ilang kalapit na probinsiya ang dinagsa ng mga pasyenteng nahawahan ng virus.— FRJ, GMA News