Nakapagtala na naman ng panibagong record-high ang COVID-19 infections sa bansa matapos ianunsyo ng Department of Health (DOH) na 9,838 ang mga bagong kaso ng tinamaan ng virus ngayong Biyernes.
May pitong laboratoryo pa ang hindi nakahabol sa pagsumite ng kanilang datos, ayon sa DOH.
Dahil sa nadagdag na mga bagong kaso, 702,856 na ang kabuuang bilang ng mga Pinoy na tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sa nabanggit na bilang, 109,018 na ang aktibong kaso o mga pasyenteng patuloy na ginagamot at nagpapagaling.
Ayon sa DOH, 95.1% sa mga aktibong kaso ay "mild," 3% ang "asymptomatic," 0.8% ang "severe," at 0.7% ang "in critical condition."
Samantala, 580,689 naman ang gumaling na matapos madagdagan ng 663 na pasyenteng nakarekober sa sakit.
Pero 54 na pasyente naman ang nadagdag sa bilang nga mga pumanaw na umaabot na ngayon sa 13,149.
Sa pagtaya ng OCTA Research group, posibleng umabot sa 11,000 ang bagong daily COVID-19 cases sa katapusan ng Marso.—FRJ, GMA News