Magluluwag pa ang pamahalaan sa ilang patakaran sa industriya at mga aktibidad sa bansa tulad ng pagdagdag sa bilang ng mga taong maaaring dumalo sa religious gathering.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque nitong Biyernes, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na mula sa kasalukuyang 30 percent ay itataas sa 50 percent ang capacity sa religious gatherings sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ).
Magkakabisa ang kautusan sa Pebrero 15.
Kabilang ang Metro Manila sa mga lugar na naka-GCQ.
Sabi pa ni Roque, pinayagan din ng IATF ang ilang industriya o aktibidad na magbukas na o dagdagan pa ang kapasidad. Pero kailangan nilang sundin ang ilalabas na patakaran ng Department of Health at lokal na pamahalaan.
Kabilang dito ang mga sumusunod:
*driving schools
*traditional cinemas
*video and interactive game arcades
*libraries, archives, museums at cultural centers
*meetings, incentives conferences and exhibitions
*limited social events
*accredited establishments ng Department of Tourism, at
*tourist attractions such as parks, theme parks, natural sites and historical landmarks.
Ngunit paalala ni Roque: "Ang mga nasabing negosyo at industriya ay kailangan pa ring mahigpit na sumunod sa minimum health standards ng Department of Health."
Pinayagan umano ang mas maluwag na patakaran sa GCQ dahil hindi umano tumataas ang "attack rate" ng COVID-19 pandemic, ayon kay Roque.
"Nakikita natin na hindi naman po tumataas ang ating attack rate, 'no, at hindi naman po masikip o iyong ating mga hospital at sa ating pagamutan, ‘no. In other words, wala po tayong problema pagdating doon sa ating utilization rate," anang opisyal.
“At siyempre po alinsunod ito sa katotohanan na kinakailangan nating magbukas pa ng ekonomiya dahil kinakailangan magkaroon nang karagdagang hanapbuhay iyong ating mga kababayan. Iyong mga nabuksan po nating industriya, marami pong mga nagtatrabaho diyan na matagal nang walang hanapbuhay, ngayon po makakapaghanapbuhay na silang muli," patuloy niya.
Bukod sa Metro Manila, nakapailalim din sa GCQ ang Cordillera Administrative Region (CAR), Batangas, Tacloban City, Davao City, Davao del Norte, Lanao del Sur at Iligan City. —FRJ, GMA News