Isang 10-anyos na bata ang patay matapos siyang tagain sa batok ng kaniyang kapitbahay sa Davao City, ayon sa ulat ni Ivan Mayrnia sa “24 Oras Weekend.”

Ayon sa ama ng biktima, napagtripan ng suspek, na kinilalang si Francisco Yap, na tagain sa batok ang biktima. Lasing daw noon ang 52-anyos na suspek.

Pagdating ng mga awtoridad sa bahay ng suspek, inambahan raw ng taga ang mga pulis.

Dahil rito, napilitan daw silang barilin ang suspek. Namatay ang suspek matapos siyang dalhin sa ospital.

Nakakuha ng mga awtoridad ng pinaniniwalang marijuana mula sa suspek. — Joahna Lei Casilao/DVM, GMA News