Dumarami na ang mga nagtitinda ng tikoy sa Binondo, Maynila, habang nalalapit ang Chinese New Year.

Sa ulat ni Jhomer Apresto ng Super Radyo DZBB sa "Dobol B sa News TV" nitong Sabado, sinabing tumaas din ang presyo ng tikoy kumpara noong nakaraang taon.

Ayon sa isang nagtitinda ng tikoy sa Ongpin Street, tumaas ang presyo ng produkto ng P30 hanggang P50, depende sa laki.

Gayunman, consignment lamang ang kanilang ginagawa kaya pupuwede nilang ibalik sa supplier ang mga tikoy kapag walang bumili.

Ayon pa sa isang nagtitinda, makatutulong pa rin ang P5 na tubo para sa ikabubuhay ng pamilya.

Kinansela ng pamahalaan ng Maynila ang mga pagdiriwang o okasyon kaugnay ng Chinese New Year dahil pa rin sa COVID-19 pandemic. —LBG, GMA News