Inaasahang darating sa Mayo ang nasa 56 milyon na COVID-19 vaccine doses sa pamamagitan ng COVAX facility. Samantala, nakipagkasundo naman ang kompanya ni Manny Villar sa AstraZeneca para sa kanilang mga kawani at donasyon sa publiko.

Ayon kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, ang mga COVID-19 vaccines na gawa ng American pharmaceutical companies ay darating sa bansa sa ilalim ng tinatawag na COVAX facility— isang pandaigdigang kasunduan ng mga manufacturer at experts upang mapabilis ang paggawa at pamamahagi ng gamot laban sa COVID-19.

“Since May 2020, we have been reaching out to pharmaceutical companies here to secure immediate access to COVID-19 vaccine supply, a pathway to sustainable supply and even co-manufacturing the vaccine with Philippine entities, and I am happy to report that these [initiatives] have been fruitful,” sabi ni Romualdez sa virtual forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP).

“We secured separate deals with Novavax, Moderna, and Johnson and Johnson for 30 million doses, 20 million doses, and six million doses, respectively, and we see initial delivery as early as May,” anang embahador.

Nakikipag-usap din umano ang Philippine diplomats sa US para makakuha ng bakuna ng Pfizer-BioNTech sa pamamagitan din ng COVAX.

Nabigyan na ng Philippine Food and Drug Administration ng emergency use authorization (EUA) ang Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine na sinasabing 92% hanggang 95% bisa laban sa virus.

May EUA na rin ang British firm na AstraZeneca na 70% umano ang bisa.

May kasunduan na ang Pilipinas para sa 17 million COVID-19 vaccine doses ng AstraZeneca na pinondohan ng pribadong sektor na donasyon na kanilang donasyon sa pamahalaan.

AstraZeneca ng Villar Group

Sa pamamagitan ng home furnishing business na AllHome, nakipagkasundo rin ang kompanya ng negosyanteng si Manny Villar para sa pagkuha ng COVID-19 vaccines ng AstraZeneca.

Sa isang pahayag, sinabing gagamitin ang mga bakuna para sa kanilang mga kawani at donasyon sa publiko.

“The Villar Group believes in protecting employees and their families. This vaccine will save not only lives but jobs and businesses as well,” ayon kay Villar.

“The vaccine will not only provide protection from the virus, but it will help boost consumer confidence to go out again. It is by helping each other during this time that we can start our journey to economic recovery,” dagdag pa ng dating senador.

Sinabi naman ni Camille Villar, AllHome vice chairman, na patuloy na maghahanap ng paraan ang kanilang kompanya tulungan ang pamahalaan sa paglaban sa pandemic at matulungan ang publiko.

“[T]hrough advocating for safe shopping in-store and providing contactless shopping options to consumers, donating learning tools to aid in DepEd’s distance-learning program, and most recently, the procurement of COVID-19 vaccines for AllHome employees and the public,” ayon sa nakababatang Villar.

Naisagawa umano ng AllHome ang donasyon sa pamamagitan ng “A Dose of Hope Program” ng "Go Negosyo."--FRJ, GMA News