Dalawang taon makaraang maisabatas ang pagtatakda na mas malaking plaka ang ilagay sa mga motorsiklo para makatulong sa kampanya laban sa motorcycle riding criminals, inamin ng Land Transportation Office (LTO) na 1,000 pa lang ng mga plaka ang kanilang nagagawa, na kinalaunan ay naging isang milyon matapos magalit si Senador Richard Gordon.

Nang unang madinig ni Gordon ang 1,000 plaka pa lang ang nagawa ng LTO, hindi napigilan ng senador na sermonan ang LTO dahil patuloy pa rin na ginagamit ng mga kriminal ang motorsiklo sa krimen lalo na sa pananambang.

"It was passed March 8, 2019, the IRR was published May 21, 2020. Hanggang ngayon wala pa. One thousand plates, ano ba 'yan? That's why we have a lot of killings using motorcycles," sabi ni Gordon sa isinagawang pagdinig ng Senado na dinaluhan ng mga opisyal ng LTO.

"One thousand plates? Shame on you! Shame on the LTO," dagdag pa ng senador na pinuno ng Senate Blue Ribbon Committee.

Hindi kaagad nakasagot si LTO Operations Division Mercy Jane Paras-Leynes sa sintemyento ni Gordon kung saan nagpakita siya ng ilang video ng mga nangyaring pagpatay na kinasasangkutan ng riding in tandem.

"We will write your senior officials several letters here—one for not attending, and second for not doing their work," sabi ni Gordon.

"I will now call a formal hearing of the Blue ribbon Committee motu propio. We will call you to answer why you should not be charged for malfeasance, misfeasance, and nonfeasance," patuloy ng senador.

Kinalaunan, nilinaw ni Leynes na sinabihan siya na isang milyon na raw at hindi isang libo ang malalaking plaka ang nagawa ng ahensiya.

Pero hindi pa rin nakontento si Gordon sa naturang pagtutuwid ni Leynes.

"It's called incompetence. You do not come here and tell us 1,000 tapos kapag tinreathen kayo ng Blue Ribbon investigation magiging one million. Do you think we are fools here? You better prove that you have one million," babala niya.

Bukod sa paglalagay ng malalaking plaka sa motorsiklo para madaling matukoy ang mga sasakyang ginamit sa krimen, nais din ni Gordon na magkaroon ng command center na tutugon sa mga tawag tungkol sa mga motorcycle riding criminal.--FRJ, GMA News