Dahil sa UK variant ng COVID-19 na sinasabing mas mabilis makahawa at mas matindi ang epekto, nag-aalinlangan ang ilang alkalde sa Metro Manila na ilagay sa mas maluwag na modified general community quarantine (MGCQ) ang rehiyon.
Kasalukuyang nakapailalim sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at ihahayag sa katapusan ng Enero kung mananatili ito sa GCQ o ililipat na sa MGCQ.
“Actually, naging consensus namin noong December dapat nitong January MGCQ na tayo eh. It’s just a matter lang ‘yong bagong UK variant so ‘yon po ang naiba,” ayon kay Metro Manila Council chairman Paranaque Mayor Edwin Olivarez.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing hindi pa pabor ang alkalde ng Valenzuela City at San Juan City na ilagay sa MGCQ ang Metro Manila.
“Bagamat hindi pa sinasabi ng DOH na may community transmission (ng UK variant), we want to make sure na ‘wag na magkaroon. Alam ko it’s impossible but if we can delay it, so much better,” sabi ni Valenzuela City Rex Gatchalian.
Iginiit naman ni San Juan City Mayor Francis Zamora na mas mahalaga ang kaligtasan at kalusugan ng mga tao kaysa sa ekonomiya.
“Kami po bilang mga mayor, kailangan naming isipin ang kapakanan ng aming mga mamamayan, not just the economics of it, but also the health and safety aspect," paliwanag ng alkalde.
"Parehong importante po ang ekonomiya at kaligtasan ng ating mga mamamayan kaya kailangan ho makahanap tayo ng balanse na wala hong makokompromiso,” dagdag niya.
Magpupulong sa Martes (Jan. 26) ang konseho para pag-usapan kung dapat nang ilipat sa MGCQ ang Metro Manila.
“Amin pong babasehan ‘yong scientific data at comment ng mga medical experts para magbigay kami recommendation bago end of the month sa IATF,” ayon kay Olivarez.--FRJ, GMA News