Isang bus na isiniksik at pinatago ang mga pasahero nito ang nahuli dahil sa overloading sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City nitong Lunes.
Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News “24 Oras,” napag-alaman ng Inter-Agency Council for Traffic (IACT) at Highway Patrol Group (PNP-HPG) na pinauupo sa sahig ang sobra-sobrang pasahero ng bus upang hindi makita ng awtoridad.
“Hindi ko mapigilan ‘yung pasahero e, nilalayo ko na sa pasahero, humahabol pa po e,” katwiran ng drayber.
Marami pang ibang bus ang nahuli dahil din sa overloading.
Pinababa ang mga pasahero ng isang bus dahil overloading na ito.
Ang isa namang bus ay nahuli rin dahil sa overloading at nakitang wala itong plaka sa likod at may mga pasaherong walang suot na face shield.
Nang titiketan na ang drayber ng nasabing bus, napag-alamang wala rin siyang lisensya dahil konduktor pala na pumalit lang sa drayber.
“Nahilo ako sir e,” depensa ng tunay na drayber ng bus.
Nai-turn over na sa Land Transportation Office ang mga nahuling bus at posibleng ma-impound ang mga ito.
Isa pang bus driver ang tiniketan dahil hindi gumana ang fire extinguisher sa loob ng sasakyan.
“I-check po natin ang fire extinguisher kasi requirement po ‘yan sa lahat ng public transportation,” ani ng IACT team leader Manuel Bonnevie.
“Tingnan niyo po ang nangyari no’ng nakaraan sa Fairview, meron pong nasunog na bus, hindi nila napatigil agad kahit no’ng naguumpisa pa lang,” dagdag pa niya.
Maliban sa mga bus, tatlong colorum na van din ang nahuli.
Ang ilang dito ay shuttle service ng kumpanya na walang contract of lease at accident insurance para sa mga pasahero, habang ang isa naman ay namamasada kahit walang permit. --Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News