Balik-gobyerno si Justice secretary Vitaliano Aguirre II matapos siyang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang komisyuner ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, magiging kinatawan ng pribadong sektor sa Napolcom si Aguirre.
“Mr. Aguirre served as Department of Justice (DOJ) Secretary during the early years of the Duterte administration. This bodes well in his new position to make the police service competent, effective, credible and responsive to our people's needs,” pahayag ni Roque.
Nagbitiw si Aguirre bilang kalihim ng DOJ noong Abril 2018 sa harap ng mga kontroberiyal sa usapin ng pagpapawalang-sala sa drug suspect.
Pumalit kay Aguirre si Menardo Guevarra, dating opisyal sa Palasyo.
Ilan pa sa mga bagong itinalaga ni Duterte ay si dating Mandaluyong City Mayor Benjamin “Benhur” Abalos Jr., bilang bagong pinuno ng Metropolitan Manila Development Authority, kapalit ng pumanaw na si Danilo Lim.
Si dating Pampanga governor Mark Lapid naman ay itinalaga bilang board member ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.—FRJ, GMA News