Pumanaw sa edad na 63 ang dating kongresista ng Oriental Mindoro na si Reynaldo Umali dahil sa cardiac arrest. 

Sa panayam ng Dobol B sa News TV, sinabi ng kapatid ni Reynaldo na si Alfonso "Boy" Umali, kinatawan ngayon ng Oriental Mindoro, nagkaroon ng COVID-19 ang dating mambabatas.

Pero bago pa man magkaroon ng COVID-19, sinabi ni Alfonso na mayroon nang Stage 3 liver cancer si Reynaldo noong Disyembre, at lumalala pa sa Stage 4 makalipas lang ng ilang araw.

Nitong Miyerkules umano nakita sa bago ni Reynaldo ang bakterya, at ngayong Huwebes ay bumaba ang kaniyang blood pressure at nagka-cardiac arrest, sabi pa ni Alfonso.

Naging kinatawan ng ikalawang distrito ng Oriental Mindoro si Reynaldo mula 15th, 16th at , 17th Congress, at 2010 hanggang 2019.

Naging impeachment prosecutor siya sa impeachment proceeding laban kay dating Chief Justice Renato Corona.

Siya naman ang chairman ng House Committee on Justice na duminig sa impeachment complaint laban kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Noong 2016, pinangunahan ni Umali ang House Committee on Justice sa pagsiyasat sa transaksiyon umano ng droga sa New Bilibid Prison, na nasangkot ang pangalan ni Senador Leila de Lima. —FRJ, GMA News